Saturday, March 8, 2014

Weekend Gospel Reflection for April 12-13,2014,Alay Kapwa Weekend and World Youth Day

         55 Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis. 56Hinahanap nila si Jesus sa Templo, at sila'y nagtatanungan, Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista? 57 Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila.

Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus
(Mateo 26:6-13)(Marcos 14:3-9)
               1 Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, ang bayan ni Lazaro na kanyang muling binuhay. 2 Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Marta naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. 3 Kumuha naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok. At humalimuyak sa buong bahay ang amoy ng pabango. 4 Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, 5 Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan! 6 Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng kanilang salapi, at ninanakawan niya ito.
               7 Ngunit sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong gawin niya ito bilang paghahanda para sa paglilibing sa akin. 8 Habang panaho'y kasama ninyo ang mga mahihirap, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.
Ang Balak Laban kay Lazaro
               9 Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya't nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. 10 Kaya't binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, 11 sapagkat dahil sa kanya'y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.

Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem
(Marcos 11: 1-11)(Lucas 19: 28-40)(Juan 12: 12-19)
               1 Malapit na sa Jerusalem nang sila ay dumaan sa Bethfage, sa Bundok ng mga Olibo. Inutusan ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad, 2 "Pumunta kayo sa susunod na nayon at makikita ninyo kaagad doon ang isang inahing asno na nakatali, kasama ang kanyang anak. Kalagan ninyo ang mga iyon at dalhin sa akin. 3 Kapag may nagtanong sa inyo, sabihin ninyong kailangan iyon ng aming Panginoon at ipapaubaya niya agad ang mga iyon sa inyo."
               4 Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta:
5 "Sa lunsod ng Zion ay ipahayag ninyo,
'Tingnan mo, ang hari mo'y dumarating.
Siya'y mapagpakumbaba; masdan mo't siya'y nakasakay sa isang asno,
at sa isang batang asno na anak ng isang babaing asno.'"
  Mateo 21:7-8 - Dinala nila kay Jesus ang inahing asno at ang anak nito, at isinapin sa likod ng mga ito ang kanilang balabal. Pagkatapos, sumakay dito si Jesus. Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; mayroon namang pumutol ng mga sanga ng kahoy at ito'y inilatag sa daan.
               6 Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus. 7 Dinala nila kay Jesus ang inahing asno at ang anak nito, at isinapin sa likod ng mga ito ang kanilang balabal. Pagkatapos, sumakay dito si Jesus. 8 Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; mayroon namang pumutol ng mga sanga ng kahoy at ito'y inilatag sa daan. 9 Nagsisigawan ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya. Sigaw nila, "Purihin ang anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!" a
               10 Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lunsod. "Sino kaya ito?" tanong nila. 11 "Si Jesus, ang propetang taga-Nazaret sa Galilea," sagot ng karamihan.

Weekend Gospel Reflection for April 5-6,2014,5th Weekend of Lent

Ang Pagpapagaling sa Taong Bingi at Pipi
               31 Pagbalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. 32 Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at pipi, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay. 33Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi. 34 Tumingala si Jesus sa langit at nagbuntong-hininga. Pagkatapos, inutos niya sa tainga ng lalaki, "Effata," na ang ibig sabihi'y, "Bumukas ka!"
               35 Noon di'y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. 36 Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. 37 Buong paghangang sinasabi nila, "Ang lahat ng kanyang ginagawa ay napakabuti! Pinapagaling pa niya ang mga bingi at pipi!"

Pinagaling si Bartimeo
(Mateo 20:29-34)(Lucas 18:35-43)
                46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya sa Jerico kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo. 47 Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, "Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
                48 Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, "Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
                49 Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, "Dalhin ninyo siya rito."
                At tinawag nga nila ang bulag. "Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus," sabi nila.
                50 Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus.
                51 "Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?" tanong sa kanya ni Jesus.
                Sumagot ang bulag, "Guro, gusto ko pong makakitang muli."
                52 Sinabi ni Jesus, "Kung gayon, magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya."
                Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus.

Weekend Gospel Reflection for March 29-30,2014,4th Weekend of Lent

Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay
(Mateo 12:9-14)(Lucas 6:6-11)
               1 Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. 2 May ilang taong naroroon at inaabangan kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya.3 Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, "Halika rito!" 4 Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, "Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?"
               Ngunit sila'y hindi sumagot. 5 Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Galit at lungkot ang naramdaman niya dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, "Iunat mo ang iyong kamay." Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. 6 Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
               7 Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, 8 sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. 9 Dahil napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. 11 Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" 12 Ngunit mahigpit silang inutusan ni Jesus na huwag ipagsabi kung sino siya.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko
(Mateo 9:1-8) (Lucas 5:17-26)
               1 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. 2 Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, 3 may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. 4 Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinaba ang paralitikong nakaratay sa higaan. 5 Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, "Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo."
               6 May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: 7 "Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?"
               8 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, "Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, 'Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,' o ang sabihing, 'Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka'? 10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa..." sinabi niya sa paralitiko, 11 "Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!"
               12 Tumayo nga ang paralitiko. Kaagad nitong binuhat ang kanyang higaan at umalis habang ang lahat naman ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, "Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!"

Weekend Gospel Reflection for March 22-23,2014,3rd Weekend of Lent

Katanungan Tungkol sa Araw ng Pamamahinga
(Marcos 2: 23-28)(Lucas 6: 1-5)
               1 Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom ang kanyang mga alagad noon, kaya't sila'y kumuha ng mga butil ng trigo at kumain niyon. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, "Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!" 3 Sumagot si Jesus, "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? 4 Pumasok siya sa bahay ng Diyos, kumain ng tinapay na handog at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan ang ginawa nila sapagkat ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon. 5 Hindi ba ninyo nababasa sa Kautusan na tuwing Araw ng Pamamahinga, ang mga pari ay may ginagawa sa Templo na bawal gawin sa araw na iyon? Gayunma'y hindi sila nagkakasala! 6 Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo. 7 Kung nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, 'Habag ang nais ko at hindi ang inyong handog', hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. 8 Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga."
Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Kamay
(Marcos 3:1-6)(Lucas 6:6-11)
               9 Pagkaalis ni Jesus sa pook na iyon, pumasok siya sa sinagoga. 10 May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroon din ang ilang taong naghahanap ng pagkakataong maparatangan si Jesus. Tinanong nila si Jesus, "Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?"
               11 Sumagot siya, "Kung kayo'y may tupang mahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon? 12 Higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa Kautusan ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga."
               13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaki, "Iunat mo ang iyong kamay." Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling gaya ng kabilang kamay. 14 Umalis naman ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus.

Ang Nawala at Natagpuang Anak
   
               11 Sinabi pa ni Jesus, "May isang tao na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng bunso, 'Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.' At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang kaparte at nagpunta siya sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa pamamagitan ng mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap.15 Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga bungangkahoy na kinakain ng mga baboy. 17 Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, 'Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila."' 20 At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila.
  
               "Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan.21 Sinabi ng anak, 'Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.' 22 Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, 'Madali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya. Suotan ninyo siya ng singsing at bigyan ninyo siya ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y magdiwang. 24Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.' At sila nga'y nagdiwang."
               25 "Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi ito at malapit na sa bahay, narinig nito ang tugtugan at sayawan. 26Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, 'Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?' 27 'Dumating po ang inyong kapatid!' sagot ng alila. 'Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buhay at walang sakit.' 28 Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. 29 Ngunit sumagot siya, 'Pinaglilingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. 30Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!' 31 Sumagot ang ama, 'Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32 Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat patay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.'"

Weekend Gospel Reflection for March 15-16,2014,2nd Weekend of Lent

     19 Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lunsod.
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos
(Mateo 21:20-22)
               20 Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. 21 Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, "Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo."
               22 Sumagot si Jesus, "Manalig kayo sa Diyos. 23 Tandaan ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,' at ito nga ay mangyayari. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon. 25-26 Kapag kayo'y tumayo upang manalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ang inyong mga kasalanan ay patawarin din ng inyong Ama na nasa langit." c

Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Babaing Cananea
(Mateo 9:18-26)(Marcos 5:21-43)
               40 Pagbalik ni Jesus, masaya siyang tinanggap ng mga tao sapagkat siya'y hinihintay nila. 41 Dumating noon ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Nagpatirapa ito at nakiusap kay Jesus na sumama sa kanyang bahay, 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babae na maglalabindalawang taong gulang na ay naghihingalo.
               Habang naglalakad si Jesus papunta sa bahay ni Jairo, sinisiksik siya ng mga tao. 43Kabilang sa mga ito ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hindi mapagaling ninuman. Naubos na ang kanyang kabuhayan dahil sa pagpapagamot. b 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng damit nito. Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, "Sino ang humawak sa damit ko?"
               Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, "Panginoon, napapaligiran po kayo at sinisiksik ng mga tao!"
               46 Ngunit sinabi ni Jesus, "May humawak sa damit ko! Naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin."
 
               47 Nang malaman ng babae na hindi pala maililihim ang kanyang ginawa, siya'y nanginginig na lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon kung bakit niya hinawakan ang damit ni Jesus, at kung paanong siya'y agad na gumaling.
               48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Makakauwi ka na."
               49 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang isang lalaking galing sa bahay ni Jairo. "Patay na po ang inyong anak!" sabi niya kay Jairo. "Huwag na po ninyong abalahin ang Guro."
               50 Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, "Huwag ka nang mag-alala. Manalig ka lamang at siya'y gagaling."
               51 Pagdating sa bahay, wala siyang isinama sa loob kundi sina Pedro, Juan at Santiago, at ang mga magulang ng dalagita. 52Nag-iiyakan ang lahat ng naroroon at kanilang tinatangisan ang patay. Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata; natutulog lamang."
               53 Kinutya nila si Jesus sapagkat alam nilang patay na ang dalagita. 54 Ngunit hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi, "Ineng, bumangon ka." 55 Nagbalik ang hininga ng dalagita at ito'y bumangon. Pagkatapos, pinabigyan agad siya ni Jesus ng pagkain. 56 Gulat na gulat naman ang mga magulang ng bata, ngunit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang pangyayaring ito.

Weekend Gospel Reflection for March 8-9,2014;First Weekend of Lent

Ang Pagtawag kay Levi
(Mateo 9:9-13)(Marcos 2:13-17)
               27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Sumunod ka sa akin." 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod at naglingkod kay Jesus.
               29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, "Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?"
               31 Sinagot sila ni Jesus, "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi."
Ang Pagtukso kay Jesus
(Marcos 1:12-13)(Lucas 4:1-13)
               1 Pagkatapos, si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. 3Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito." 4 Ngunit sumagot si Jesus, "Nasusulat,
'Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay,
kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.' "
               5 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lunsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. 6 Sinabi nito sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,
'Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.' "
               7 Ngunit sumagot si Jesus, "Nasusulat din naman, 'Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.' "
               8 Pagkatapos, dinala naman siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang kapangyarihan ng mga ito. 9 Sinabi ng diyablo sa kanya, "Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin."
               10 Kaya't sumagot si Jesus, "Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,
'Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sasambahin.
At siya lamang ang dapat mong paglilingkuran.'"
               11 Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila.