Saturday, March 8, 2014

Weekend Gospel Reflection for March 22-23,2014,3rd Weekend of Lent

Katanungan Tungkol sa Araw ng Pamamahinga
(Marcos 2: 23-28)(Lucas 6: 1-5)
               1 Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom ang kanyang mga alagad noon, kaya't sila'y kumuha ng mga butil ng trigo at kumain niyon. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, "Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!" 3 Sumagot si Jesus, "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? 4 Pumasok siya sa bahay ng Diyos, kumain ng tinapay na handog at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan ang ginawa nila sapagkat ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon. 5 Hindi ba ninyo nababasa sa Kautusan na tuwing Araw ng Pamamahinga, ang mga pari ay may ginagawa sa Templo na bawal gawin sa araw na iyon? Gayunma'y hindi sila nagkakasala! 6 Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo. 7 Kung nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, 'Habag ang nais ko at hindi ang inyong handog', hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. 8 Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga."
Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Kamay
(Marcos 3:1-6)(Lucas 6:6-11)
               9 Pagkaalis ni Jesus sa pook na iyon, pumasok siya sa sinagoga. 10 May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroon din ang ilang taong naghahanap ng pagkakataong maparatangan si Jesus. Tinanong nila si Jesus, "Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?"
               11 Sumagot siya, "Kung kayo'y may tupang mahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon? 12 Higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa Kautusan ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga."
               13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaki, "Iunat mo ang iyong kamay." Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling gaya ng kabilang kamay. 14 Umalis naman ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus.

Ang Nawala at Natagpuang Anak
   
               11 Sinabi pa ni Jesus, "May isang tao na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng bunso, 'Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.' At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang kaparte at nagpunta siya sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa pamamagitan ng mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap.15 Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga bungangkahoy na kinakain ng mga baboy. 17 Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, 'Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila."' 20 At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila.
  
               "Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan.21 Sinabi ng anak, 'Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.' 22 Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, 'Madali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya. Suotan ninyo siya ng singsing at bigyan ninyo siya ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y magdiwang. 24Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.' At sila nga'y nagdiwang."
               25 "Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi ito at malapit na sa bahay, narinig nito ang tugtugan at sayawan. 26Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, 'Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?' 27 'Dumating po ang inyong kapatid!' sagot ng alila. 'Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buhay at walang sakit.' 28 Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. 29 Ngunit sumagot siya, 'Pinaglilingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. 30Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!' 31 Sumagot ang ama, 'Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32 Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat patay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.'"

No comments:

Post a Comment