Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay
(Mateo 12:9-14)(Lucas 6:6-11)
1 Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. 2 May ilang taong naroroon at inaabangan kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya.3 Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, "Halika rito!" 4 Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, "Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?"
Ngunit sila'y hindi sumagot. 5 Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Galit at lungkot ang naramdaman niya dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, "Iunat mo ang iyong kamay." Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. 6 Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, 8 sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. 9 Dahil napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. 11 Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" 12 Ngunit mahigpit silang inutusan ni Jesus na huwag ipagsabi kung sino siya.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko
(Mateo 9:1-8) (Lucas 5:17-26)
1 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. 2 Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, 3 may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. 4 Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinaba ang paralitikong nakaratay sa higaan. 5 Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, "Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo."
6 May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: 7 "Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?"
8 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, "Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, 'Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,' o ang sabihing, 'Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka'? 10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa..." sinabi niya sa paralitiko, 11 "Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!"
12 Tumayo nga ang paralitiko. Kaagad nitong binuhat ang kanyang higaan at umalis habang ang lahat naman ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, "Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!"
No comments:
Post a Comment